Nakaraos na ang panganganak. Nakahiga si Julie sa kama ng ospital. Nahimatay siya pakalabas ng kanyang anak kaya hindi niya pa ito nasisilayan. Habang nahihimbing, naklalakbay ang kanyang isipan sa isang panaginip.
Sa pagbukas ng tabing sa teatro ng panaginip, unang lumitaw ang isang eksena ng matamis na pagliligawan nila ni Andrew. Doon sa isang plaza, tila may distribution of relief goods sa masa ng langgam na nag-uunahan sa “kilig moments” ng dalawa. Hangin ang elementong nangingibabaw sa nasabing lugar. Sa pagsimoy nito ay isinasamang itinatanim ang mga matatamis na pangako ng pag-irog. Unti-unting dumilim ang teatro at tanging bilog na buwan ang liwanag na matatanaw. Dalawang katawan na tila ba mga bagong labas sa sinapupunan ang ngayon ay magkayakap. Balat sa balat. Hininga sa hininga. Laman sa laman. Nagsasalubong ang mga naghahabolang tibok ng puso mula sa magkaiba subalit magkadikit na mga dibdib. Apoy ang elementong nagpalibot sa dalawa.
Nagbunga at nagpabuga ng usok na siyang nagpalobo sa isang sisidlan ng buhay sa pusod ni Eba. Lupa ang elementong gumapang sa sinapupunan ng babae na nagpalabas sa mga ugat ng umaapoy na punong balete. Natakot ang lalaki sa natuklasang tumutubong bulkan na ang nasa loob ay isang musmos na dragon. Isang halimaw ito sa kanyang paningin. Namilog ang kanyang mga mata sa pagkagulat habang unti-unti namang bumibitiw ang kamay niya sa nagpupumilit kumapit na mga daliri ng babae. Matapos bitawan ang init ng pag-irog, nalusaw ang pangako sa pagbuga ng dragon. Kumaripas ng takbo ang lalaki na tila ba nakikipagkarera sa pitong kabayo sa Santa Ana na isang milyong salapi at dangal ang nakataya sa pagtalikod. Natunaw ang mga bato at lupa sa sobrang init ng apoy ng dragon. Namula ang lupa. Uminit ang atmospera. Bumuhos ang magma sa buong bayan. Nagtuluy-tuloy hanggang sa unibersidad ang daloy ng apoy. Kinain ng halimaw na magma ang mga medalya at diploma. Wala nang nagawa ang mga silahis ng araw. Nagpumilit mang umangat para sumikat subalit nilamon na rin ito ng mas makapangyarihang apoy ng dragon. Umihip muli ang hangin na tangay-tangay ang abo ng pagsabog. Naglakbay patungo sa isang malayong lugar. Tinungo nito ang isang tahanang kasalukuyang nagwawagayway ng ngiti, pag-asa at pangarap. Dumagsa ang maraming abo at tumambak sa nasabing dampa. Bumuhos ang ulan sa tahanang ding iyon. Nagkasama ang abo at lupa. Pinaghalo sila ng agos ng luha. Tubig ang elementong nagpakita. Kumunoy ang kanyang nilikha. Unti-unti nitong nilamon ang kaninang iwinawagayway na bandila ng isang pamilya. Unti-unti silang lumubog hanggang sa huling kaway ng mga kamay. Pagkatapos, humupa ang init at gulo ng kapaligiran subalit naiwan siyang nag-iisa sa isang nananatiling kadiliman. Naroon siya. Nakakadena ang mga kamay. Nangingilid ang mga luha. Naroon siya. Nakaupo sa ibabaw ng kanyang sinapupunan habang nararamdaman niya ang tibok sa kalooban nito. Nakaharap siya sa dalawang burol na pinagdadaluyan ng gatas. Sa pagitan ng dalawang lupain na iyo, nababanaag niya ang isang nilalang na nababalot ng kamusmusan. Tanging ngiti ang kanyang salita. Matamis ito at nakakahulog ng loob. Subalit umihip muli ang hangin. Niyakap ng ipo-ipo ang bata. Sumama ang apoy. Nakisabay ang tubig. Nakisanib ang lupa. Nais niyang tumakbo subalit hindi niya magawa dahil sa mga bakal na nakapulupot sa kanyang mga kamay at paa. Pumikit na lamang siya subalit ang mga elemento ay pinilit na buksan ang kanyang mga mata. Bumulaga sa harap niya ang isang humahalakhak na tiyanak. Nais niyang sumigaw subalit nilamon ang kanyang dila ng lupa. Kasabay nito ay ang paghigop sa kanya ng pusod ng kanyang sinapupunan kung saan nilamon siya ng mga naninigas at nangangalit na dugo.
Nagising siya mula sa isang bangungot na nagpaligalig sa kanyang isipan. Butil-butil ang pawis sa kanyang noo. Naghihingal. Tila kagagaling niya pa lang sa isang marathon na mga halimaw ang kalaban. Nanalangin siya na sana ay hindi iyon maganap. Sadyang malalim ang inilatag na kahulugan ng mga simbolong nagpakita sa panaginip. Hindi niya pa naman ito lubusang maunawaan.
Nakatitig siya sa kisame ngayon. Nakaramdam ng kapayapaan mula sa bumabalot na kaputian sa buong silid. Naglibot ang kanyang mga mata sa paligid subalit walang sinuman ang naroon. Pumikit na lamang siya at nagpasailalim sa katahimikang nararamdaman. Inisip niya na nasa paraiso siya. Naglakbay ang kanyang isipan para lamang mabawi ang kanyang gunita sa kaninang sumakop na bangungot. Dito ngayon ay malambing ang simoy ng hangin na sinasabayan ng pagsayaw ng mga bulaklak. Nakisabay siya sa lipad ng mga paru-paro at pag-awit ng mga ibon. Kasalukuyang nagtatampisaw siya sa batis nang biglang bumukas ang pinto at iniluwal siya mula sa paraiso.
“Oh, good morning, gising ka na pala,” ang bati sa kanya ni Patricia. Halos labing-walong na oras siyang tulog mula sa oras ng kanyang panganganak. “Kumain ka na muna. Alam kong gutom na gutom ka na. Ikaw ba naman ang ‘di kumain ng halos isang araw. Doon lamang nakaramdam si Julie ng gutom. Agad siyang kumain. Maganang-magana. Wala munang mga salita ang pumakawala sa kanyang dila. Hinaharang sila ng mga isinusubong pagkain sa kanyang bibig.
“Ang sarap ng mga dala mo.”
“Siyempre naman, para sa’yo ‘yan. At talagang masustansiya pa ‘yan.”
“Salamat bestfriend!”
“Wala ‘yan. Ikaw pa!”
“‘Nga pala, bakit ang sosyal mo naman ‘ata. Magdadala ka lang ng pagkain nakabihis pang-nurse ka pa.
“Hmmm… Natural! Eh, ospital ‘to at dito ako nagtatrabaho. Nagkataon lang na ikaw ang inaalagaan ko.”
Nagulat si Julie sa sinabi ng kaibigan.
“Ospital? Bakit ako nandito?”
“Ano ka ba naman?! Nanganak ka kahapon, ‘noh?!”
“Ano?!” pagulat na sagot niya.
(Itutuloy…)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento