Chitika Ad 1

Sabado, Oktubre 1, 2011

Anunciatio (Pagwawakas)

Ang Bukas Ngayon



Tuluyan na siyang nagising sa kanyang kinalalagyan. Hindi na nga dumaong sa kanyang bibig ang isinusubong pagkain. Ang kinagisingan niyang puting kapaligiran ay inaakala niya kaninang bahagi pa ng paraiso. Subalit hindi na ito panaginip. Ang kaputian ngayon ng silid ay walang kahulugan. Siya isang pasyente at hindi isang mamamasyal sa paraiso. Siya ay biktima ng bangungot na kanyang kinatatakutan ngunit siya rin naman ang may gawa. Ngayon niya lamang nauunawaan ang panaginip na nilakbay niya kanina. Tuluyan na ngang nahawi ang tabing sa teatro ng mga simbolo. Ngayon, nauunawaan niya na ang panaginip na iyon ay bahagi ng isang Julie ngayon. Bahagya siyang natulala. Bumalik sa kanyang alaala ang mga sandaling nagdaan mula sa ingay ng  sirena ng ambulansiya hanggang sa gulong na naghatid sa kanya sa delivery room, mula sa naghihirap niyang katawan hanggang sa mga abalang doktor, at mula sa kanyang pag-iri hanggang sa unang hikbi ng kanyang anak. Kasabay ng pagbabalik-gunitang iyon, bumatingaw ang kampana sa karatig simbahan bilang hudyat ng ika-anim na oras na umagang yaon. Doon lamang siya nagising ng tuluyan.

“Nasaan ang anak ko?”

“H’wag ka mag-alala, mabuti na siya. Kasalukuyang inilagay siya sa incubator. Pitong buwan lang kasi siya at kailangan ng karagdagang lakas. Ngunit mabuti naman ang lagay niya.”

“Maaari ko ba siyang makita?”

“Oo naman, pero kaya mo na ba?”

“Oo.”

Kinuha ni Patricia ang wheelchair at humingi ng tulong sa isa pang kasama para ilipat si Julie. Tinungo nila ang nursery room. Nang naroon na sila, itinuro lamang ni Patricia ang anak ni Julie mula sa salaming bintana.

            “Ayon s’ya, Madz. Gwapo s’ya ‘noh?”

            “Lalaki ang anak ko?”

            Inilapit ni Julie ang kanyang mukha sa salamin kasabay ng pagsandal ng mga kamay niya dito. Tila nagguhit ng ngiti sa kanyang labi ang pagtanaw niya sa anak kasabay ng pagtulo ng luha. Pinakiramdaman ng palad niya ang salamin na parang inaabot ang kinalalagyan ng anak. Subalit tila biglang nagsiurong ang lahat. Nabura ang ngiti. Tuluyan ng natuyo ang luha sa pinatakang damit. At biglang kumabig ang kanyang kamay mula sa salamin. Pati ang buong katawan niya at pakiramdam ay nahugot pabalik sa panahon kung kailan una niyang nalaman na siya ay nagdadalang-tao. Nangangamba. Nag-aalala. Nagsisisi. Walang liwanag at pag-asa. Pinusasan muli siya ng takot dulot ng bangungot na sumakop sa kanya kaninang umaga bago siya maglakbay sa mapanlinlang na paraiso ng kaginhawaan. Katakot-takot na mga tanong ang ibinato sa kanya ng sariling takot. Paulit-ulit na umuugong ang mga ito sa kanyang nananatiling gulat sa kalagayan. Ang mga tanong na ito ay walang natatanggap na mga kasagutan mula sa kanyang matalinong kaisipan. Hindi niya pa ito nababasa sa mga libro. Ni hindi niya na magamit ang kanyang mga napag-aralang teorya mula sa sikolohiya o pilosopiya. Mga simpleng katanungan ito kung ituring ng iba lalo na ng mga matatalinong tagamasid. Simple lang din ang mga sagot. Maaaring maipasok sa mapagpipiliang A, B, o C. Kailangang lang bilugan ang sa palagay mo ay tamang sagot. Subalit, totoong buhay na ito. Bawat desisyon ay may kaakibat na kalalabasang resulta na hindi basta-basta maaalis ng pambura. Maaari pa nga silang maging bahagi nang iyong sistema kung hindi ka mag-iingat at magpapakatatag. Totoong buhay na ito na maaaring mayroong ibang buhay na madamay. Ang mundo ay hindi para sa isa kung kaya bawat desisyon ay may epekto sa bawat isa. Ang mga tanong ng buhay ay kailangan ng masusi at matinong kaisipan subalit mag-ingat lamang sapagkat ang mga tanong na ito ay may kakayahan na magligaw ng isipan patungo sa kawalang katinuang kalagayan. Mag-ingat! Hindi lahat ng simpleng tanong ay maaaring sagutin ng simpleng kasagutan lalo na kapag ang sarili na mismo ang nasa loob ng isang katanungan. Mag-ingat! Maaari itong mangsakop tulad ng nangyayari ngayon kay Julie. Isang litaniya ng mga katanungan ang kanya ngayong binibigkas.

“Bakit nangyari ito? ‘Di ko alam! Paano ang aking pangarap? ‘Di ko alam! Paano ang aking pamilya? ‘Di ko alam! Paano ang aking mga kapatid? ‘Di ko alam! Paano ako magpapatuloy? ‘Di ko alam! Paano ko siya bubuhayin? ‘Di ko alam! Anong maibibigay ko sa kanya? ‘Di ko alam! Saan ako kukuha ng ikabubuhay? ‘Di ko alam! Saan ako magsisimula? ‘Di ko alam! Saan ako patutungo? ‘Di ko alam! Paano mabuhay? ‘Di ko alam! Ano ang buhay? ‘Di ko alam! Dapat pa bang mabuhay? ‘Di ko alam! Paano ang magmahal? ‘Di ko alam! Ano ang pagmamahal? ‘Di ko alam! Sino sa akin ang nagmamahal? ‘Di ko alam! Dapat bang magmahal kung walang nagmamahal? ‘Di ko alam! Saan ako kukuha ng pagmamahal? ‘Di ko alam! Ano ang pag-asa? ‘Di ko alam! Saan ako aasa? ‘Di ko alam! Kanino ako aasa? ‘Di ko alam! Paano ako aasa? ‘Di ko alam! Bakit ako aasa kung wala naming pag-asa? ‘Di ko alam! Mayroon nga bang pag-asa? ‘Di ko alam!”           

Pagkatapos ng litaniyang ito, naramdaman niya na lamang ang kanyang tuhod na humahalik sa sahig. Tila nga pati utak niya ay nahulog na rin sa lupa. Pailing-iling ang kanyang ulo. Hindi niya alam ang isasagot. Gulung-gulo ang kanyang isipan hanggang sa maramdaman niya na lang ang yakap ng kanyang kaibigan. Nang maramdaman niya ang tibok ng puso ng kaibigan saka niya rin lang naramdaman ang kanyang sariling tibok ng puso. Halos nagkakasabay ang pagbuhos ng kanilang mga hininga. Hindi niya maunawaan subalit kanyang naramdaman lalo pa nang mula sa kinalalagyan ng anak ay kanyang natanawan ang ngiti nito habang nahihimbing. Napapikit na lamang siya. Nababatid niya na ang sagot subalit wala siyang lakas ng loob na isagot ito sa larangan ng buhay. Tiwala ay nawawala. Nagsimula na siyang pumili ng sagot. Titik D ang kanyang binilugan sa sagutang papel.

            “Wala sa nabanggit” ang nilalaman.

            Bago pa mang tuluyang maipasa ang sagot, isang mainit na haplos ang humampi sa kanyang balikat. Tumingala siya at nakita ang isang maamo at nakangting mukha ng isang babae. Niyakap niya na lamang ito at wala nang ibang nasabi kung hindi…

            “Mama! Mama!”

            Mula sa malayo, matatanawan ang tatlo na nagyayakapan. Katulad nila ang tatlong Maria doon sa paanan ng krus. Umiiyak. Nagtatanong. Nangangamba. Nagmamahal.

            Isang ale ang dumaan. Tila ba may isang propeseya ang kanyang naulinigan. Naibulong niya na lamang sa sarili, “May malaking misyon ang batang ito. Emmanuel ang kanyang ngalan!” Saka siya nagpatuloy sa paglalakad.

            Kinabukasan, nakaupo na si Mr. Andres sa upuang ipinagkatiwala sa kanya. Handa na siya sa bagong sesyon. Inilatag na ang batas panig sa aborsyon. Binuksan na ang bagong anunsasyon.



(…Wakas)

Anunciatio (Ika-pitong Bahagi)

Ang Bukas Ngayon



           Nakaraos na ang panganganak. Nakahiga si Julie sa kama ng ospital. Nahimatay siya pakalabas ng kanyang anak kaya hindi niya pa ito nasisilayan. Habang nahihimbing, naklalakbay ang kanyang isipan sa isang panaginip.

Sa pagbukas ng tabing sa teatro ng panaginip, unang lumitaw ang isang eksena ng matamis na pagliligawan nila ni Andrew. Doon sa isang plaza, tila may distribution of relief goods sa masa ng langgam na nag-uunahan sa “kilig moments” ng dalawa. Hangin ang elementong nangingibabaw sa nasabing lugar. Sa pagsimoy nito ay isinasamang itinatanim ang mga matatamis na pangako ng pag-irog. Unti-unting dumilim ang teatro at tanging bilog na buwan ang liwanag na matatanaw. Dalawang katawan na tila ba mga bagong labas sa sinapupunan ang ngayon ay magkayakap. Balat sa balat. Hininga sa hininga. Laman sa laman. Nagsasalubong ang mga naghahabolang tibok ng puso mula sa magkaiba subalit magkadikit na mga dibdib. Apoy ang elementong nagpalibot sa dalawa.

Nagbunga at nagpabuga ng usok na siyang nagpalobo sa isang sisidlan ng buhay sa pusod ni Eba. Lupa ang elementong gumapang sa sinapupunan ng babae na nagpalabas sa mga ugat ng umaapoy na punong balete. Natakot ang lalaki sa natuklasang tumutubong bulkan na ang nasa loob ay isang musmos na dragon. Isang halimaw ito sa kanyang paningin. Namilog ang kanyang mga mata sa pagkagulat habang unti-unti namang bumibitiw ang kamay niya sa nagpupumilit kumapit na mga daliri ng babae. Matapos bitawan ang init ng pag-irog, nalusaw ang pangako sa pagbuga ng dragon. Kumaripas ng takbo ang lalaki na tila ba nakikipagkarera sa pitong kabayo sa Santa Ana na isang milyong salapi at dangal ang nakataya sa pagtalikod. Natunaw ang mga bato at lupa sa sobrang init ng apoy ng dragon. Namula ang lupa. Uminit ang atmospera. Bumuhos ang magma sa buong bayan. Nagtuluy-tuloy hanggang sa unibersidad ang daloy ng apoy. Kinain ng halimaw na magma ang mga medalya at diploma. Wala nang nagawa ang mga silahis ng araw. Nagpumilit mang umangat para sumikat subalit nilamon na rin ito ng mas makapangyarihang apoy ng dragon. Umihip muli ang hangin na tangay-tangay ang abo ng pagsabog. Naglakbay patungo sa isang malayong lugar. Tinungo nito ang isang tahanang kasalukuyang nagwawagayway ng ngiti, pag-asa at pangarap. Dumagsa ang maraming abo at tumambak sa nasabing dampa. Bumuhos ang ulan sa tahanang ding iyon. Nagkasama ang abo at lupa. Pinaghalo sila ng agos ng luha. Tubig ang elementong nagpakita. Kumunoy ang kanyang nilikha. Unti-unti nitong nilamon ang kaninang iwinawagayway na bandila ng isang pamilya. Unti-unti silang lumubog hanggang sa huling kaway ng mga kamay. Pagkatapos, humupa ang init at gulo ng kapaligiran subalit naiwan siyang nag-iisa sa isang nananatiling kadiliman. Naroon siya. Nakakadena ang mga kamay. Nangingilid ang mga luha. Naroon siya. Nakaupo sa ibabaw ng kanyang sinapupunan habang nararamdaman niya ang tibok sa kalooban nito. Nakaharap siya sa dalawang burol na pinagdadaluyan ng gatas. Sa pagitan ng dalawang lupain na iyo, nababanaag niya ang isang nilalang na nababalot ng kamusmusan. Tanging ngiti ang kanyang salita. Matamis ito at nakakahulog ng loob. Subalit umihip muli ang hangin. Niyakap ng ipo-ipo ang bata. Sumama ang apoy. Nakisabay ang tubig. Nakisanib ang lupa. Nais niyang tumakbo subalit hindi niya magawa dahil sa mga bakal na nakapulupot sa kanyang mga kamay at paa. Pumikit na lamang siya subalit ang mga elemento ay pinilit na buksan ang kanyang mga mata. Bumulaga sa harap niya ang isang humahalakhak na tiyanak. Nais niyang sumigaw subalit nilamon ang kanyang dila ng lupa. Kasabay nito ay ang paghigop sa kanya ng pusod ng kanyang sinapupunan kung saan nilamon siya ng mga naninigas at nangangalit na dugo.

            Nagising siya mula sa isang bangungot na nagpaligalig sa kanyang isipan. Butil-butil ang pawis sa kanyang noo. Naghihingal. Tila kagagaling niya pa lang sa isang marathon na mga halimaw ang kalaban. Nanalangin siya na sana ay hindi iyon maganap. Sadyang malalim ang inilatag na kahulugan ng mga simbolong nagpakita sa panaginip. Hindi niya pa naman ito lubusang maunawaan.

Nakatitig siya sa kisame ngayon. Nakaramdam ng kapayapaan mula sa bumabalot na kaputian sa buong silid. Naglibot ang kanyang mga mata sa paligid subalit walang sinuman ang naroon. Pumikit na lamang siya at nagpasailalim sa katahimikang nararamdaman. Inisip niya na nasa paraiso siya. Naglakbay ang kanyang isipan para lamang mabawi ang kanyang gunita sa kaninang sumakop na bangungot. Dito ngayon ay malambing ang simoy ng hangin na sinasabayan ng pagsayaw ng mga bulaklak. Nakisabay siya sa lipad ng mga paru-paro at pag-awit ng mga ibon. Kasalukuyang nagtatampisaw siya sa batis nang biglang bumukas ang pinto at iniluwal siya mula sa paraiso.

“Oh, good morning, gising ka na pala,” ang bati sa kanya ni Patricia. Halos labing-walong na oras siyang tulog mula sa oras ng kanyang panganganak. “Kumain ka na muna. Alam kong gutom na gutom ka na. Ikaw ba naman ang ‘di kumain ng halos isang araw. Doon lamang nakaramdam si Julie ng gutom. Agad siyang kumain. Maganang-magana. Wala munang mga salita ang pumakawala sa kanyang dila. Hinaharang sila ng mga isinusubong pagkain sa kanyang bibig.

“Ang sarap ng mga dala mo.”

“Siyempre naman, para sa’yo ‘yan. At talagang masustansiya pa ‘yan.”

“Salamat bestfriend!”

“Wala ‘yan. Ikaw pa!”

“‘Nga pala, bakit ang sosyal mo naman ‘ata. Magdadala ka lang ng pagkain nakabihis pang-nurse ka pa.

“Hmmm… Natural! Eh, ospital ‘to at dito ako nagtatrabaho. Nagkataon lang na ikaw ang inaalagaan ko.”

Nagulat si Julie sa sinabi ng kaibigan.

“Ospital? Bakit ako nandito?”

“Ano ka ba naman?! Nanganak ka kahapon, ‘noh?!”

“Ano?!” pagulat na sagot niya.



(Itutuloy…)


Anunciatio (Ika-anim na Bahagi)

Ang Bukas Ngayon



            Dumating ang araw ng Marso. Ikapitong buwan ng kanyang pagbubuntis. Hindi inaasahan na nakaramdam si Julie ng kirot sa kanyang sinapupunan. Tila mayroong isang munting buhay ang kumakatok, nagpupumilit at nakikiusap na buksan na ang pinto ng isang makulay na mundo na biyaya para sa lahat ng tao. Tila nababatid niya na ang isang karapatan na magbukas sa regalo ng buhay na ibinahagi sa kanya ng tunay na kagloob nito. Labis-labis na ang kagustuhan ng pagkatao niya na maramdaman ang mundo, matikman ang unang simoy ng hininga dito, malasap ang lamig ng unang patak ng tubig na dadampi sa kanyang murang katawan at higit sa lahat maramdaman ang init ng apoy ng pagmamahal ng lahat ng pusong naninirahan dito lalong-lalo na ang wagas na pagmamahal ng isang ina.

            Patuloy ang pagkatok ng bata sa sinapupunan ng ina. Patuloy ang paggulong ng gulong ng ambulansiya. Patuloy ang isang makahulugang paghihirap na pisikal ni Julie habang nakangiting nag-aabang ang isang buhay sa kanyang sinapupunan. Patuloy na nagaganap ang isang mahalaga at makahulugang kaganapan sa kasaysayan ng isang bagong buhay sa sinapupunan. Ang sinapupunan ay hindi isang ibang mundo sa labas ng lupa. Ito ay kadugtong ng daigdig. Ito ang lagusan ng buhay na siyang nagbibigay-buhay at kulay sa mundo. Halos lahat ay dumaan sa mapakumbabang lagusang ito. Marami na ang buhay na dito ay nagdaan. Nabigyan sila ng bagong pangalan. Marami na ang dito ay nagmula. Maging ang kwento ng kaligtasan ay dito nagsimula nang isang babae ang nagpahalaga sa malaking papel ng kanyang sinapupunan. Ang sinapupunang iyon ang nagluwal ng isang buhay na nagbigay ng maraming bagong buhay sa buong sangkatauhan.  Marami na ang buhay na dito ay nagdaan. Nabigyan sila ng bagong kinalalagyan. Marami na silang nagpahalaga sa buhay at maging silang nag-aasam ng pagkitil ng buhay sagad mula sa sinapupunan na kanila ring dating pinanggalingan. At ngayon, isang buhay na naman ang kumakatok. Nakikiusap na masilayan ang buhay. Nagbabakasakali na mabigyang pagkakataon na makapagbigay-buhay rin sa ibang buhay sa mundo na unti-unti nang nasasakop ng kamatayan.

Tatlong buwan matapos ang Pasko ng Pagsilang, isa na namang nilalang ang isinisilang. Kalagitnaan ng araw. Tanghaling-tapat. Ang kampana ng simbahan ay bumabatingaw kasabay ng dasal ng mga lola ng bayan. Dalawang pangyayari ang magkasabay na nagaganap.

“Binati ng anghel ng Panginoon si Maria,” ang pasimulang mga wika ng namumuno.

“Iri ka, Julie, iri,” sambit ni Patricia na kasalukuyang tumutulong sa panganganak.

“At siya’y naglihi, lalang ng Espiritu Santo,” sabay-sabay na sagot ng mga kababaihan.

“Ahhh…Ahhh…” hiyaw ni Julie sa kanyang pag-iri.

“Narito ang alipin ng Panginoon.”

“Diyos ko po, h’wag N’yo po s’yang pabayaan,” ang dasal ni Patricia.

“Maganap nawa sa akin ayon sa wika Mo.”

“Ahhh… Diyos ko… Ahhh!” hiyaw ni Julie.

“At ang Verbo ay nagkatawang-tao.”

“Nakadungaw na ang bata,” ang wika ng doktor.

“At nakipanayam sa atin.”

“Ahhh…Ahhh!”

“Ipanalangin mo kami Santang Ina ng Diyos.”

“Mama Mary, tulungan mo po siya!” patuloy na panalangin ni Patricia.

“Nang kami’y dapat makinabang sa mga pangako ni Kristo.”

“Ahhh… Inay ko po!”

“Manalangin tayo!”

“Malapit na!”

“Panginoong naming Diyos kasihan mo nawa ang aming mga kaluluwa ng iyong mahal na grasya at yayamang dahilan sa pamamalita ng anghel ay nakikilala namin ang pagkakatawang-tao ni Kristong Anak Mo; pakundangan sa mahal na pasyon at pagkamatay niya sa krus, pakinabangan namin ang biyaya ng kanyang pagkabuhay na mag-uli sa kaluwalhatian ng langit…”

“Lalaki ang inyong anak,” sabay sa tapik sa puwet ng bata.

“…Sa pamamagitan din ni Kristong Panginoon namin…”

“Whoahhh! Whoahhh! Whoaahhhh!” ang unang hikbi ng sanggol.

“Amen,” ang sagot ng bayan. Kasabay nito ay ang tunog ng kampana sa ikalabing-dalawang batingaw nito na hudyat ng pinabanal na kalagitnaan ng araw.



(Itutuloy…)


Anunciatio (Ikalimang Bahagi)

Ang Bukas Ngayon



           Tuluyan na ngang nadesisyonan ng administrasyon ng unibersidad na bawiin na kay Julie ang scholarship. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Tila lumabo sa kanya ang tubig na dating pinagsisikatan ng araw. May mga sandali na todo-papansin sa kanya ang pagkaway ng orasan habang siya ay nakatunganga. Kulang na lamang na kalabitin, yugyugin o sampalin siya ng mga ito para siya ay mamulat sa bago niyang mundo na dapat harapin at lakbayin. Subalit kahit ang sinag ng araw ay wala ring nagawa para gisingin ang kanyang disposisyon. Malalaman na lamang na nilamon na ulit ang liwanag ng araw ng malawak na dagat.

            Minsan ninais niyang umuwi sa probinsiya subalit inunahan na siya ng hiya. Natatakot siya sa pag-iisip na babagsak muli ang bandila ng pag-asa na dati ay nagwagayway ng ngiti sa kanyang naghihingalong pamilya. Lagi nga ba talaga na ang pagsisisi ay nasa huli? Naisin mang ibalik ang nakaraan subalit sadyang malakas ang kamay ng orasan para pakialaman. Laging ituturo nito na ang oras ngayon ay ang tanging panahon.

            Ilang araw na din na laging ganoon ang kalagayan ni Julie na siyang nadadatnan ni Patricia sa kanyang boarding house.

            “Madz!... Julie!” tawag ni Patricia habang ikinakaway sa harap ng kaibigan ang kamay niya para hawiin ang pagkatulala nito.

            “Oh, Madz, nandito ka na pala,” pagulat na sagot ni Julie.
            “Hmmm! Kanina pa. Isang leap year na naman nga ang nagdaan habang ang isip mo’y nakapako sa kawalan.”

            “Ha! Sorry…”
“Hay, Madz, tama na nga ‘yan. Kumain ka na ba?”
            “Ha?! Kain?! Ako? Ah…”

            “Hmmm… Oh ito, sabay na tayo.”

            Sorry Madz, pabigat na ako sa’yo.”

            “Ano ka ba naman bestfriend,” sabay pisil sa pisngi ng kaibigan. “Bakit pa tayo naging mag-bestfriend? Gutom lang ‘yan. ‘Lika na, kain na tayo.”

            “Hayaan mo, Madz, makakabawi rin ako. Babayaran kita ‘pag nagkatrabaho na ako.”

            “H’wag kang mag-alala… Nakalista ‘yan,” sabay ngiti at akbay kay Julie. “Biro lang, hmmm… h’wag mo ngang isipin ‘yan. Ginagawa ko lang ang dapat. Alam ko naman na kung ako rin ang nasa kalagayan mo, ganito din ang gagawin mo.”

            “Salamat, Madz,” nagyakap ang magkaibigan.

            Dumaan ang mga araw. Apat na buwan na rin siyang buntis. Buwan na ng Disyembre at nalalapit na ang Pasko. Ilang text messages na rin ang kanyang natatanggap mula sa kanyang pamilya. Nagtatanong sila kung kailan uuwi ang anak. Karaniwan na kasi na umuuwi siya ng probinsiya tuwing sasapit ang Pasko para ipagdiwang ito na buo ang pamilya. Doon niya na rin sinasalubong ang pagpasok ng Bagong Taon. Subalit sadya yatang ang taong ito ay iba sa iba niyang mga taong binagtas. Maaaring ang taong ito ay maituturing na suliranin sa taong hindi handa sa mga nangyari at nangyayari. Isa nga itong problema sa taong nag-iisip na ito nga ay problema. Subalit sa ibang banda, ito ay isang bagong pagkakataon para sa isang bagong buhay kasama ang isa pang bagong buhay na nakasalalay sa kanya kung paano masisilayan ang pagsikat ng araw.

            Malapit na ang Pasko. Malapit na ang Bagong Taon. Naghihintay ang kanyang pamilya. Nagtataka. Subalit pinahiran na lamang ni Julie ng mga palusot ang pagtatanong ng kanyang mga magulang nang minsang tumawag ang mga ito. Subalit hindi man sabihin ni Julie, ang magulang ay mayroong persepsiyong biyaya sa kanila na kayang maabot ang puso ng anak.

            Natapos na ang Pasko. Natapos na ang Bagong Taon. Papalapit na ang buwan ng kanyang panganganak. Mayo ang buwan na kanyang inaabangan. Nagbubuo na rin ito sa kanya ng takot at pag-aalala. Hindi niya alam kung saan siya kukuha ng pera para dito. Paubos na ang perang kanyang naitabi mula sa kanyang allowance noong siya ay nag-aaral pa. Sadyang matipid siya noon kaya nakakaipon siya sa kanyang buwanang allowance na bahagi rin ng kanyang nakuhang scholarship. Subalit dahil wala nang pumapatak, nasasaid na kahit latak. Buti na lang hindi siya iniiwan ng kanyang kaibigan. Maykaya ang pamilya ni Patricia. Subalit halos isang taon na rin siya na hindi umaasa sa suportang pinansyal sa kanyang mga magulang. Kung kinakailangan na lang talaga. Nang matapos si Patricia sa kolehiyo, pinagtuunan niya agad ng pansin ang review para sa board exam. Matapos ang dalawang buwang review, kumuha siya ng exam nang sumapit ang Hulyo. Habang hinihintay ang resulta, nagbakasakaling siyang makapasok sa isang call center na kanya namang nagawa. Dumating ang resulta ng board exam sa huling linggo ng Setyembre at maswerteng siyang nakabilang sa listahan. Subalit minabuti niya munang tapusin ang kontrata bago maghanap ng hospital na mapapasukan. Nobyembre ang kanyang katapusan. Bago man lang matapos ang Disyembre nakapasok naman siya sa isang pampublikong hospital. Ang mga trabaho niyang iyon ang nakatulong sa kanya para makaipon ng malaki. Iyon din ang naging sandigan niya sa pagtulong kay Julie. Sadyang hindi maluho si Patricia kahit noon pa man na binibigyan siya mga magulang ng nag-aaral pa siya. Malaki na nga ang naipon niyang pera sa bangko na palihim na iniipon niya.


(Itutuloy...)

Anunciatio (Ika-apat na Bahagi)

Ang Bukas Ngayon


Natigilan si Julie, subalit alam niyang hindi niya iyon matatago. Nabalot ng sandaling katahimikan ang tanggapan. Naghihintay sa sagot ang tagapangasiwa. Nag-iisip siya ng mga salitang maaaring mapagaan ang daloy ng usapan. Subalit hindi niya siguro matatakasan ang katotohanan. Ito na ang oras para buksan ang baol na kanyang pinagtaguan. Kalahating semester na lang magtatapos na siya. Iskolar siya ng bayan. Maitataas niya na ang bandera ng pag-asa para masilayan ng kanyang pamilya. Ngunit, ngayon may nagtatanong na ang anumang sagot ay maaaring magpabago sa pagsikat ng bukas.
“Ah, Sir...”
“Totoo ba? We just need the truth and nothing more.”

Kapag pinanigan niya ang kasinungalingan, maaaring matakasan niya ang hatol subalit hindi rin iyon magtatagal sapagkat sumisingaw ang anumang nakatago. Tiyak na tanggal agad siya dahil sa paglabag sa katotohanan at pagtitiwala. Kapag sinabi niya naman ang totoo, tiyak rin naman ang pagkawala sa kanya ng scholarship. Pero, umaasa pa rin siya na maaari naman siyang ikonsidera dahil isang semester na lang naman. Anumang sagot niya, sadyang nakalubog na sa lupa ang isa niyang paa. Walang lusutan sa kanyang pinangangambahan. Sadyang katotohanan lamang talaga ang mas dapat panigan.
“Yes, Sir! I am. I am bearing a child.”
“I’m happy that you are telling the truth. But, inspite of that, you know the regulation. I can do nothing but to follow the decree. Rule is rule. No exemption. I hope you understand. I want to personally consider you, but I’m afraid I could not do that because of the objectivity of the rule and possibility of abuse of this. I hope you really understand.”
Hindi na lamang siya nagsalita. Alam niya na wala siyang laban sa ganoon sitwasyon. Marahil hindi pumanig sa kanya ang kanyang inaasahan na konsiderasyon. Sa panahong iyon, tila pinagsukuban siya ng langit at lupa. Pakiramdam niya isa siyang musmos na walang kalaban-laban. Unti-unting kinikitil ng kawalan ng pag-asa at pagkalinga. Walang nakakaunawa. Nasa kalagitnaan siya ng pagsusumamo sa may kawalan nang kanyang masagip ng kanyang palad ang kanyang sinapupunan. Naramdaman niya ang pakikiisa ng pusong tumitibok sa loob niya para sa kanyang pusong walang mapuntahan. Isang bulong ang sa pakiramdam niya ay kanyang naulinigan.

“Ano ba ang pakiramdam ng isang nilalang na binabawian ng pag-asa?” mga salitang umaalon mula sa kung saan kasabay ng kakaibang tibok sa kanyang sinapupunan.

“Ms. Azuela? Are you okay?” sambit ng tagapangasiwa na hindi niya na naulinigan. “Ms. Azuela? I am talking to you. Do you understand me?” ika niya muli sabay tapik sa balikat.

“I’m sorry, Sir..., what did you say?”
“I said, do you understand the policy of the university?”

“I can do nothing, Sir. It’s my fault anyway,”maluha-luha niyang sagot na batid niyang nagmumula lihis sa kanyang kalooban. “I do understand, Sir... Thank you, Sir! Goodbye!” Saka dalian siyang tumayo at umalis sa tanggapan.
“But...wait!” Marami pa sanang sasabihin ang tagapangasiwa sa kanya tungkol sa mga academic record niya. Naunawaan siya ng tagapangasiwa kahit hindi ito magsalita. Alam niyang mahirap ang kalagayan ngayon ni Julie. Gusto niya man baguhin ang sistema ngunit hindi maaari. Ang isang bagay na kinilingan sa karamihan ay maaaring pag-ugatan ng panibagong pagkiling.
Umalis na lamang si Julie sapagkat hindi na nasasagap ng kanyang pag-unawa ang lahat ng ipinapaliwanag ng tagapangasiwa. Ang tanging alam niya ang pagbagsak ng kinabukasan. Tumungo agad siya sa kanyang dorm. Tumigil sa pinto ng kanyang kwarto. Binuksan at tumigil muli sa pinto at pinagmasdan ang paligid. Tila binabanggit niya na ang pasasalamat at pamamaalam. Sumilip na ang luha sa kanyang mata. Nais niya mang pigilin subalit nangungulit sa pagguhit ng kalungkutan. Madrama ang oras na iyon na tila habangbuhay na niya itong hindi masisilayan muli. O marahil baligtad na pakiramdam. Pakiwari niya, siya ang hindi na muling masisilayan ng mga poste ng kanyang kwarto. Siya ang mawawala. Hindi ang kwarto. Siya ang mawawala. Inumpisahan niya nang ayusin ang kanyang mga gamit. Bawat damit na inilalagay niya sa bag ay hindi makatakas na mapatakan ng luha bago man lang maisilid sa bag. Saan siya ngayon tutungo? Sa probinsiya kun saan naroon ang mga umaasang pamilya? Saan? Sa boyfriend niyang walang paninindigan? Saan? Hindi lamang siya ang maglalakbay sa panahong iyon. May kasama na siya. Ayaw niya man o gusto. Paano niya naman iyon masisisi kun dulot iyon ng sariling kagustuhan o kaya kapabayaan o kahinaan sa ilan. Dapat bang sisihin sila sa bagay na hindi man lang sila kinonsulta bago hinugot sa kawalan patungo sa buhay. Dapat ba silang iwan sa pagkakataong ni sila ay hindi alam kun saan lulugar. Saan nga ba siya pupunta? Wala nang ibang naisip si Julie. Pumunta siya sa matalik niyang kaibigan. May tinutuluyan pa ring boarding house si Patricia sapagkat malayo ang kanilang bahay sa kanyang pansamantalang pinapasukang trabaho. Tinahak ni Julie ang lugar na iyon. Nandoon si Patricia.

“Oh, Julie..., musta?” Hindi na nagsalita pa si Julie. Tumulo na lamang ang luha nito. Nabatid na lamang ni Patricia ang nangyari.

“Dito ka na muna... Huwag kang mag-alala hindi kita iiwan. Dito ka na muna hanggang sa iyong kapanganakan. Aalagaan kita.” Hindi na lamang nakapagsalita pa si Julie. Ni hindi alam ang sasabihin. Wala rin siyang alam na maaaring gawin.


(Itutuloy...)

Anunciatio (Ikatlong Bahagi)

Ang Bukas Ngayon



Sa kabilang banda, tinitiyak ni Erduja kung bukal sa loob ni Julie ang gagawin. Subalit wala itong balak na patagalin pa ang pagsiyasat sapagkat nasilayan niya na ang kinang ng perang dala niya. Binigyan siya ni Andrew ng perang magagamit. Wala na rin siyang nagawa kung hindi tanggapin ang alok. Produkto rin iyon ng walang katiyakan niyang kaisipan. Kapit sa patalim kung baga.
Handa na ang lahat ng instrumento para sa gagawin na operasyon. Operasyon Sagip-Pag-asa kun ituring ito ng ilan. Isa marahil itong paraan para mapanumbalik ang dating buhay. Sa iba naman, Operasyon Kitil-Buhay para sa inosenting biktima na hindi batid kung sa anong kadahilanan siya iaalay. Handa na ang lahat. Nakalapat na ang katawan ni Julie sa kama ng paghukom. Handa na sa kamay ni Erduja sa pinagkakakitaan niyang gawain. Hanapbuhay kung ito ay ituring niya. Hanap niya ay mga buhay na walang muwang at walang kalaban-laban. Hanap niya silang mga pinagkaitan ng pagmamahal – silang mga kalahok na pagkakaitan ng buhay parang sa kanya ay magbigay ng buhay. Handa na ang lahat. Dahan-dahan nang ibinuka ang pintuan na pagdadaan ng kaluluwang mauuna pa sa katawan. Dahan-dahan bumubuka habang dahan-dahan ding nagsisigapang ang ulan sa mata ni Julie. Wala nang atrasan. Naroon na siya, ilang sandali na lang, balik muli sa dating buhay. Hindi na aalalahanin ang pagguho ng pangarap. Sa pagsabog ng sinapupunan, liliwanag ang araw. Handa na ang lahat. Handa na si Kongresman sa kanyang bagong batas. Handa na siya sa bagong utos na sariling budhi. Handa na si Andrew na panagutan ang hindi pagsagot sa tawag ng katungkulan. Handa niya nang takasan ang isang nilalang na daladala ang balbula ng kanyang sariling dugo. Handa na si Julie na kitilin ang sariling anak. Handa na siya na magsisi hindi sa huli kung hindi sa habangbuhay. Handa na si Erduja sa kanyang nakasanayang paghukom. Handa na siyang hukuman sa hinaharap basta ngayon may maisusubo ang kanyang bibig. Handa na ang lahat. Nakatutok na ang palakol ni Hudas. Ngunit handa na nga ang lahat dahil sa hindi inaasahan, bumulaga si Patricia para pigilan ang ritwal ni Hudas. Sinipa niya ang inaanay na pintuan ng kubong mapagbalatkayo sa kahinhinan. Mabilis niyang tinungo ang puwesto ng dalawa na daig pa ang matador sa pamilihang-bayan. Tinulak niya sa tabi si Erduja na parang binisita ng panandalian ng anghel sa kalangitan. Itinayo niya mula sa higaan ang matalik na kaibigan. Tulala habang lumuluha. Para siya ay bumalik sa katotohanan, pinahalik nang malanit ni Patricia ang kanyang palad sa kabilaaang pisngi ni Julie. Saka niyakap.
“Anong pumasok sa kukuti mo, Julie? Hindi ka ba nag-iisip. Hindi lang ito ang naaabot ng iyong isip. Iskolar ka pa naman.” Sambit ni Patricia para gisingin ang natutulog na gunita. Subalit hindi pa rin siya marinig ng kaibigan. Hinigpitan niya na lang ang yakap sapagkat wala nang saysay ang manisi pa. Alam naman ni Julie ang kanyang ginagawa subalit nahinaan lamang ng lakas ng loob. Humagulhol ng iyak si Patricia dahil sa labis na pag-aalala kay Julie.
“Madz, Julie..., Julie...!” pahagulhol na tawag niya habang niyuyugyog ang kaibigan na parang naninirahan ngayon sa kawalan.
“Madz, salamat...” iyon lamang ang nasambit niya at tuluyan nang nawalan ng malay.
Labis ang naging epekto ng pangyayari sa kanya lalo pa sa sikolohikal. Labis ang reaksyon niya sa pangyayari na hindi nakayanan ng kanyang katawan kaya ito bumigay. Bumuti na ang lagay niya. Pinagpayuhan siya sa mga dapat gawin at pangalagaan ng isang nagbubuntis. Hindi niya na lubusang naitago ang kanyang kalagayan. Subalit naki-usap siya na huwag na lamang ito ipagsabi.
Lumipas ang dalawang lingo, lubusan nang siyang nakabawi sa kalagayang pangkatawan subalit hindi pa sa emosyon at sikolohikal. Kinausap siya ni Patricia para malinawan sa mga  nangyari.
“Ano ba talaga nangyari?”
“Pakiramdam ko kasi, isang pilian lang ang inilalatag sa akin. Walang iba kundi ‘yon”
“Alam ko na alam mo kung ano ang dapat gawin. Magulo lamang ang isip mo.”
“Tama ka. Nawala ang aking pinag-aralan sa ganoong sitwasyon. Sa katunayan, patuloy pa rin na naglalaro sa aking isipan ang mga posibilidad na mangyari dulot ng sitwasyon na ito.”
“Ang ngayon ay ang nagsisimulang bukas lamang. Hindi iyon ang nangyayari ngayon. Maaari mo pa iyong mapagplanuhan at maayos. Maraming paraan subalit hindi ang paraang kakapit ka sa patalim. Maging ang iyong isip ay nagsasabi na ang talim ay may dalang panganib. Sugat at dugo ang maaaring maging kapalit. Buhay nga kung minsan. Mag-ingat sa paraan na maaari mong pagdudahan. Kung may pagdududa, huwag magsimula ng gawa.”
“Ngunit ano ba ang gagawin ko? Wala na akong ibang mapupuntahan kung sakaling mapatalsik ako sa university. Wala na akong ibang pag-asa na makatapos sapagkat mahirap lang kami. Alam mo yan ‘di ba?”
“Minsan may mga panahon na kailangang tumigil ang dating buhay masubukan ito at maihanda sa mga susunod pang pangyayari sa buhay. Hindi nagtatapos ang buhay sa isang pagkakamali. Magsisimula pa lamang ang iyong makahulugang buhay.”
“Saan ako magsisimula? Sa wala?”
“Hindi ka kailanman magsisimula sa wala mula ngayon sapagkat isang yugto na sa iyong buhay ang iyong naranasan na hahasa pa sayo lalo sa hinaharap.”
“Ngunit, magagalit sa akin ang aking mga magulang. Ako na lamang ang kanilang inaasahan. Mabibigo ko pa sila.”
“Ang magulang ay magulang, maswerte ka pa nga eh. Hindi nila naisip man lang na ipagkait sayo na matanawan ang kagandahan ng mundo.”
Nasa huling linggo ng Agosto nang maganap ang mga iyon. Halos nasa kalagitnaan ng unang semester. Naapektuhan ang kanyang pag-aaral. Bumaba ang kanyang mga marka subalit naipasa pa rin dahil sa matataas ang grado niya sa kalagitnaan ng semester na iyon na siyang humila paitaas sa mga muntikan nang lumagpak na mga marka. Nagawa niyang matapos ang unang semester. Subalit, lumalaki na ang kanyang sinapupunan na unti-unti namang nahalata ng kanyang mga kasama lalo pa ang mga kasambahay sa dorm. Nagtataka sila kung bakit laging nagsusuka si Julie at paiba-iba ang timpla ng emosyon na hindi naman niya dating ginagawa. Kinalaunan, nabuo ang tsismis o balita marahil. Nakaabot ito sa administrasyon ng unibersidad. Nasa unang lingo noon ng semestral break. Pinatawag siya ng tagapangasiwa ng eskwelahan.
“Ms. Azuela, totoo ba ang naririnig naming balita tungkol sa ‘yo?”
“Anong balita po?”
“Buntis ka raw?!”

(Itutuloy...)

Anunciatio (Ikalawang Bahagi)

Ang Bukas Ngayon



Hindi na lamang nakaimik si Andrew. Napagdesisyonan na lamang nila na sabihin iyon sa mga magulang ni Andrew kahit nag-aalangan siya at natatakot. Gulung-gulo na rin kasi siya. Kahit nangangamba siya mas minarapat niya na lamang na maghanap ng makakatulong sa pag-iisip. Siya ay solong anak. Halos lahat ng gusto niya ay nakukuha niya. Mayaman at kilala ang kanyang pamilya. Kongresman ang kanyang ama sa kanilang distrito. Tulad ni Julie, graduating din si Andrew sa kolehiyo ngunit sa kursong Nursing.

Nasa sala na sila ng bahay nina Andrew. Hinihintay na lamang nila na bumaba ang kanyang magulang. Dati-rati hindi alangan si Julie sa pakikiharap sa mga magulang ng kasintahan. Kilala na siya ng mga ito. Sa katotohanan, gusto pa siya ng mga ito hindi lang dahil maganda ito kung hindi, sadyang matalino si Julie. Alam din nila ang katayuan ni Julie sa buhay at tanggap nila ito. Subalit ng araw na iyon, hindi niya mawari ang kanyang damdamin. Halos nais niyang magsuot ng pitong patong na maskara sa labis na hiya.

“Oh, Julie, nice to see you...” sabay biso kay Julie, “Miss na nga kita, eh. Napadalaw ka?” sambit ni Mrs. Minda, nanay ni Andrew.

“Ah..., ehh...,” hindi malaman ang isasagot, “Ah, isinama po ako ni Andrew,” sagot niya na lamang na parang wala nang ibang pwedeng isagot.

“Oh, how are you Julie?” bati naman ni Mr. Andres.

“Ah… ayos naman po,” sagot niya sabay bulong sa sarili, “...siguro.”

Dati-rati, hindi ganoon ang paraan niya ng pagsagot. Karaniwang masigla na may kasama pang ngiti. Ngunit, sadya talagang kakaiba ang mga sandaling iyon para sa kanya.

 “Ah, Dad, Mom, may nais po kaming sabihin...” Nais pa sanang magpaligoy-ligoy ni Andrew. Ngunit alam niya naman na wala naming ibang pupuntahan ito kundi ang katotohanan. Lalo lamang gumugulo ang daloy kapag paikot-ikot. Ang pakay ay pakay. Hindi dapat mailigaw.

“Buntis po si Julie, ako ang ama.” Parang kidlat ang dating ng mga salita at mga titik na naitala ng 40 wpm. Binitiwan ni Andrew ang katagang iyon na parang kasabay ang paghila ng damdamin. Ngunit ang nabitawan ay nabitawan na. Ang nasambit ay nasambit na. Hindi na mababawi o mababago pa lalo pa kung ang katotohanan ang dumaloy.

“Ano...” halos magkasabay na nabanggit ng mag-asawa. Sumunod dito ay ang mga salitang nagrambol na dahil sa pagkagulat. Hindi sila makabuo ng mga nararapat na salita. Hindi malapatan ng mga rason ang kanilang dila. Nagulat. Natulala. Ngunit tuloy ang mga salita.

“Hindi ito maaari...” sambit ng ama. “Mga bata pa kayo at nag-aaral. Pa’no na lamang ang inyong kinabukasan? Hindi ito maaari.”

“Ngunit Dad, narito na ito.”

“Ipalaglag ang bata!”  Nagulat ang lahat sa sinabi ng ama. Walang nakapagsalita. Tapos ang usapan. Hindi masalita ang ama ni Andrew. Ang nasabi niya ay nasabi na. Ang nasimulan ay tapos na. Hindi mapalagay si Julie sa narinig. Subalit alam niyang wala siyang ibang pagpipilian kahit sarili niya pa ang tanungin. Wala din namang magagawa si Andrew sapagkat kilala niya ito na hindi makatayo sa sariling paa. Sunud-sunuran ito sa batas ng amang Kongresman. Hindi niya nga tiyak ang tatag ng pagmamahal nito sa kanya. Lalo lamang siyang naguluhan ngunit pinalakas ang isang pagpipilian na naisip niya na rin noon pang malaman niya ang sitwasyon.Taranta na ang kanyang isipan. Subalit, alam niya na kahit ano pa ang sinabi ng kahit sinuman sa kanyang paligid, nasa kanya pa rin ang huling desisyon. Pinagtagpi-tagpi niya ang mga sitwasyon at mga posibilidad na mangyayari sa ganitong sitwasyon. Hawak niya ngayon ang kanyang kapalaran. Isa siyang iskolar. Nasa unang semester siya ngayon ng huling taon niya sa kolehiyo. Kapag nalaman ng administrasyon ang kanyang sitwasyon, tiyak na babawiin sa kanya ang scholarship. Sayang, isang taon na lang, magtatapos na siya at maaaring magsisimula na ang magandang takbo ng kanyang buhay. Masisilayan ang ganti ng pagsisikap. Sisikat ang pag-asa sa kanyang pamilya. Subalit lahat ng ito ay maaaring lumubog kahit hindi pa sumasapit ang hapon. Ilang gabi rin ang binuno ni Julie sa pag-iisip. Nakipagtagisan sa dikta ng mundo at ng sarili. Hindi malaman kung ano ang dapat gawin. Ilang timba na marahil ng luha ang makukuha kapag piniga ang kanyang unan.

Isang umaga, tanghali na siyang nagising. Taranta. Wala sa matinong pag-iisip. Tinahak ang isang destinasyon na tanging pinupuntahan ng walang pagmamahal, walang pagkalinga, at wala ng pag-aasa ang sa kanila ay nabubuhay. Sa isang kubo sa isang eskinita sa gilid ng siyudad, pinuntahan niya ang isang ale na kilala sa paghukom ng mga munting nilalang. Sa kanyang pakiwari, lahat nagkakaisa sa isang desisyon na dapat niyang gawin sa kanyang sinapupunan. Ang mundo ay nagdidikta ng pakikialam sa kung ano ang gagawin sa kanyang sariling katawan. Ang kanyang kalagayan at katayuan sa buhay ay tila nag-uutos na ang nararapat gawin ay ang sinasabing hindi dapat gawin. Lahat ay tila nagkakaisa sa isang bagong batas. Kabilang na marahil ito sa inilalatag na pilian ng mundo sa pagdesisyon kung ano ang gagawin sa sariling buhay at buhay ng iba. Sa kanyang kalagayan ngayon, tila isa lang ang pilian, marami sigurong pangalan, ngunit iisa ang nilalaman: A) ang magbuwis at mag-alay ng ibang buhay para sa ibabubuti ng sariling buhay, B) ilaglag ang bata para sa pagtayo muli ng kapalaran, C) abortion, D) lahat ng nabanggit. Itinaas niya na ang kanyang panulat. Ipinasa na niya ang kanyang sagutang papel. Nakatitiyak na siya sa kanyang sagot. Tinungo na niya ang pinto. Kumatok. Pinapasok. Inalok. Isang tanong lamang ang sinambit ngunit dalawang sagot pa rin ang maaaring pagpilian – Oo o Hindi. Sa hindi inaasahan, isang kakilala ang nakakita sa kanya – si Magda. Nagtataka siya kung bakit si Julie naroon kung saan ang araw ay hindi na sumisikat. Kahit ang gasera dito ay wala ng liwanag. Maging ang puso dito ay hindi na nakakaramdam ng sikat ng umaga. Ang dugong nananalantay sa lugar na ito ay hindi buhat sa puso ng naninirahan dito kung hindi sa mga pusong pinutol ang balbula ng paghinga. Nakaramdam si Magda ng pag-aalala. Nais niya mang pasukin ang loob ngunit wala siyang karapatan lalo pa dahil ang ganoong bisita ay karaniwan sa bahay ni Erduja – ang aborsyonista. Wala siyang ibang naisip na paraan kung hindi tawagan si Patricia. Buti na lamang dahil mayroon siyang cellphone number nito. Dali-dali niya itong hinanap at tinawagan.

“Pat, may problema ba si Julie?”

“Bakit, may nangyari ba?”

“Nakita ko siya dito sa barangay namin. Naroon siya sa bahay ni Aling Erduja.”

“Oh, ano naman... Sino ba ‘yun?”

“Isa siyang aborsyonista!”

Hindi na nakapagsalita pa si Patricia. Ibinaba niya na ang telepono sa pagkagulat. Hindi niya na nga nagawa pang magpasalamat. Dali-dali niyang tinungo ang nasabing lugar. Sa taxi na siya sumakay para madali.



(Itutuloy...)

Anunciatio (Unang Bahagi)


Ang Bukas Ngayon


Bahagyang inikot ni Patricia ang lock ng pinto. Dahan-dahan niya itong binuksan at unti-unti niyang nasagap ang kalungkutan sa paligid. Nalantad sa kanya ang namumugtong mga mata at mga luhang gumuguhit sa pisngi ni Julie. Patakbo niyang nilapitan ito at niyakap.
“Madz, anong nangyari?”
            “Madz..., Madz...” paputol-putol na sambit ni Julie.
            “Ano nga?”
            “Maaari bang malaman ang dahilan?”
            “Hindi ko na alam ang gagawin. Nagpasuri ako sa hospital... Lumabas na ang resulta...”
            “Resulta ng ano?”
            “Pregnancy Test...”
            “Oh, ano daw?”
            “Positive daw. Personal ko ngang inulit, subalit ganun at ganun pa rin ang lumilitaw.”
            “Sinabi mo na ba sa boyfriend mo? Dapat n’ya ‘yang malaman. Katungkulan n’yang panagutan ‘yan.”
            “Hindi pa ako handa. Natatakot akong marinig ang aking kinatatakutan.”
            “Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan.”
            “Liban pa d’yan, alam mo naman ang katayuan ko... Hindi maaaring mangyari ito... Alam mo ang mga bagay na mawawala sa akin...”
            Estudyante si Julie. Kasalukuyang nasa unang semester siya sa ikaapat na taon. Graduating siya ngayon. Psychology ang kanyang kinukuha. Higit sa lahat, isa siyang iskolar. Libre ang dorm niya at sapat pa ang allowance na natatanggap. Halos wala nang ginagastos ang kanyang mga magulang na kasalukuyang nasa probinsiya. Pangatlo siya sa walong magkakapatid. Nagsipag-asawa na ang tatlo niyang kapatid – ang dalawang panganay at ang sumunod sa kanya. Sa kanya na lamang iniaangkla ng kanyang mga magulang ang pag-asa ng pamilya lalo pa ng kanyang apat na nakababatang mga kapatid. Kaya kinakailangan niya nga na makatapos. Subalit dahil nga sa nangyari, maaaring ang lahat ng ito ay gumuho.
            Halos hindi na nakaalis si Patricia sa dorm. Mas ninais niya na lang na manatili sa tabi ng kaibigan. Nakatulugan na lamang ng dalawa ang kanilang pinagtulungang pasanin na suliranin. Manikit-nikit pa ang kanilang pisngi sa pagdaan ng mga luha. Asul ang kulay ng gabing iyon.
            Kinabukasan, nagkita ang SI Julie at Andrew sa dalampasigan kung saan paboritong puntahan ni Julie. Ito ang paligid kung saan niya nararanasan ang kalinga ng mundo.
            “Ano bang gagawin natin dito?” tanong ni Andrew habang nilalambing si Julie. Subalit, sa kabila nito, nababatid niya na may kakaibang nangyayari sa kasintahan.
            “Wala..., gusto ko lang dito.” Hindi pa rin makahugot ng lakas ng loob si Julie para maipagtapat ang dapat ipagtapat kay Andrew. Hindi niya alam kung paano sisimulan. Gulung-gulo ang isipan niya. Hindi makabuo ng mga salita. Hindi malapatan ng mga rason ang kanyang dila. Nahihiya. Natutulala.
            “Hindi mo maitatago ang tunay mong niloloob sa akin. Kilala na kita. Alam kong mayroong mga bagay na tumatakbo sa iyong isipan.”
“Sadyang hindi ko na alam ang gagawin. Pagod na nga ang utak ko sa kakaisip. Gulung-gulo na ako.” Biglang bumulusok ang mga salitang ito sa kanyang bibig. “Buntis ako! Buntis ako!” Hindi niya na napigilan ang dila dahil sa labis na pangungulit ng kanyang isip at damdamin. Kasabay nito, hindi niya na rin napigilan ang pagbuhos ng luha. Hindi nakapagsalita si Andrew. Tulad ng kay Julie, hindi siya makabuo ng mga salita. Hindi malapatan ng mga rason ang kanyang dila. Nagulat. Natulala. Mahigit sa sampung minuto rin na naghari ang katahimikan. Naging abo ang kulay ng damdamin. Nakibahagi ang mga elemento. Naging malamig ang apoy ng araw. Ibinaon sila ng lupa. Iginapos sila ng hangin. Nilunod ng tubig. Wala sinuman ang dinalaw ng lakas na loob na magsalita. Ngunit, pinukaw si Julie ng tibok ng puso... Hindi ng sa kanya ni hindi kay Andrew. Ngunit ng puso sa kanyang sinapupunan.
“Ah, anong gagawin natin…ano?!” pasigaw na tanong niya.
“Hindi ko alam... Hindi pa ako handa.”
“Ako ba’y handa na sa ganito? Handa ba ako para ako lang ang mag-alala nito?”
“Pa’no ba ‘yan nangyari? Hindi maaari.”
“Tinatanong mo ako kung pa’no? Pa’no? Tinatanong ba ‘yan?”
“Alam ko, pero...”
“Pero ano? Hindi mo kaya?”
“Kaya, pero... may takdang panahon...”
“Kelan? At ano ang para ngayon?”

(Itutuloy)

ANUNCIATIO (Sinopsis)

Ang Bukas Ngayon





            Ang salitang anunciatio ay salitang inihango ng kagsulat sa salitang Annunciation na bahagi ng misteryo sa Santo Rosario. Ang kwentong ito ay nagpapahayag at nagbabalita na rin marahil ng mga nangyayari sa lipunan. Pinagtutuunan ng pansin nito ang pagpapahalaga sa buhay at ang halaga ng sinapupunan.
            Si Julie ay isang estudyante – matalino, matiyaga, at  mapagmahal sa kanyang pamilya. Isa siyang iskolar at sa kanya nakaangla ang pag-asa ng pamilya. Subalit sa hindi inaasahan, nabuntis siya ni Edward na kanyang kasintahan. Dahil sa ganoong pangyayari, marami ang mawawala sa kanya kasama na ang kanyang scholarship. Nagulo ang kanyang isipan ng pangyayaring ito at humantong sa isang desisyon na sa tingin niya ay magbabago ng kanyang buhay. Ganoon rin ang sa tingin niya ang dinidikta ng mundo. Ipalaglag ang bata – ang sabi ng paligid.
            Buti na lamang, may isang Patricia na hindi siya pinabayaan. Tinulungan siya ng kaibigan na maiproseso ang kanyang sarili. Hindi siya nito iniwan anuman ang nangyari.
           Nailuwal ang bata sa tanghaling tapat habang nagdarasal ang bayan. Tatlong buwan noon matapos ang Pasko ng Pagsilang, isang bata muli ang isinilang. Ano bang misyon ang haharapin ng bata? Anong mayroon siya bilang bahagi ng anunsasyon?
            Hindi man alam ang gagawin itinuloy ni Julie na isilang ang bata. Natatakot man, patuloy pa rin. Niyakap siya ng kapalibotang nagmamahal sa kanya – inaruga at inalagaan. Kahit pa sa ibang banda, patuloy pa rin ang pagsulong ng bagong batas ng buhay – ang anunsasyon ng aborsyon.


      






Tungkol sa Akin

Aking larawan
Mahilig magsulat sa scratched paper saka ililipat sa kwaderno at ilalagay naman sa kompyuter... (",) For comments, suggestions & reactions, kindly send me message at kwadernonijuan@live.com or post a comment/s on this blog.

Mga tagasunod

Chitika

Chitika Ad 3

Kilalang Mga Post